1 Mga Taga-Corinto 15
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, 2Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.

3Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, 4At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan; 5At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa; 6Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito'y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa't ang mga iba'y nangatulog na; 7Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol; 8At sa kahulihulihan, tulad sa isang ipinanganak sa di kapanahunan, ay napakita naman siya sa akin. 9Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios. 10Datapuwa't sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga'y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako'y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin. 11Maging ako nga o sila, ay gayon ang aming ipinangangaral, at gayon ang inyong sinampalatayanan.

12Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? 13Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 14At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka't aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 17At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa. 18Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak. 19Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.

20Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog. 21Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 22Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23Datapuwa't ang bawa't isa'y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito. 24Kung magkagayo'y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga'y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. 25Sapagka't kinakailangang siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway. 26Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya. 28At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.

29Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila? 30Bakit baga naman tayo'y nanganganib bawa't oras? 31Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako. 32Kung ako'y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay. 33Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali. 34Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan.

35Datapuwa't sasabihin ng iba, Paanong muling bubuhayin ang mga patay? at anong anyo ng katawan ang iparirito nila? 36Ikaw na mangmang, ang inyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na kung mamatay: 37At ang iyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay; 38Datapuwa't ang Dios ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawa't binhi ay ang sariling katawan. 39Hindi ang lahat ng laman ay magkasing-isang laman: kundi may laman sa mga tao, at ibang laman sa mga hayop, at ibang laman sa mga ibon, at ibang laman sa mga isda. 40Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa't iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa. 41Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka't ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan; 43Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan: 44Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman. 45Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay. 46Bagaman ang ukol sa espiritu ay hindi siyang una, kundi ang ukol sa lupa: pagkatapos ang ukol sa espiritu. 47Ang unang tao ay taga lupa na ukol sa lupa: ang ikalawang tao ay taga langit. 48Kung ano ang ukol sa lupa, ay gayon din naman silang mga taga lupa: at kung ano ang ukol sa langit ay gayon din naman silang taga langit. 49At kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit.

50Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan. 51Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin, 52Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin. 53Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. 54Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. 55Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? 56Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan: 57Datapuwa't salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

58Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 Corinthians 14
Top of Page
Top of Page