Numbers 11
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At ang bayan ay naging parang mapag-upasala na nagsalita ng masasama sa pakinig ng Panginoon: at nang marinig ng Panginoon ay nagningas ang kaniyang galit; at ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila, at sinupok ang kahulihulihang bahagi ng kampamento. 2At ang bayan ay humibik kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay. 3At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Tabera: sapagka't ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila.

4At ang halohalong karamihan na nasa gitna nila ay nahulog sa kasakiman: at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain? 5Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad; ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang: 6Nguni't ngayo'y ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanoanoman: sa ating harapan ay walang anoman kundi ang manang ito.

7At ang mana ay gaya ng butil ng culantro, at ang kulay niyaon ay gaya ng kulay ng bdelio. 8Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay at ang lasa ay gaya ng lasa ng bagong langis. 9At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang mana ay nahuhulog.

10At narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanikaniyang sangbahayan, na bawa't lalake ay nasa pintuan ng kaniyang tolda; at ang galit ng Panginoon ay nagningas na mainam; at sumama ang loob ni Moises. 11At sinabi ni Moises sa Panginoon, Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? at bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito. 12Akin ba kayang ipinaglihi ang buong bayang ito? ipinanganak ko ba upang iyong sabihin sa akin, Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakandong ang kaniyang batang pasusuhin, sa lupain na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang? 13Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? sapagka't sila'y umiyak sa akin, na nagsisipagsabi, Bigyan mo kami ng karneng aming makain. 14Hindi ko kayang dalhing magisa ang buong bayang ito, sapagka't totoong mabigat sa akin. 15At kung ako'y ginagawan mo ng ganito ay patayin mo na ako, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.

16At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo. 17At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa. 18At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo. 19Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw; 20Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto? 21At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan. 22Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila? 23At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.

24At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda. 25At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.

26Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento. 27At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento. 28At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila. 29At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu! 30At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.

31At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa. 32At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento. 33Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa. 34At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim. 35Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Numbers 10
Top of Page
Top of Page