Ezekiel 33
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 2Anak ng tao, salitain mo sa mga anak ng iyong bayan, at sabihin mo sa kanila, Pagka aking dinala ang tabak sa lupain, kung ang bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalake sa gitna nila, at ilagay na pinakabantay nila; 3Kung, pagkakita niya ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan; 4Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo. 5Narinig niya ang tunog ng pakakak, at hindi pinansin; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya; sapagka't kung siya'y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay. 6Nguni't kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya'y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.

7Sa gayo'y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya't dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin. 8Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay. 9Gayon ma'y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni't iniligtas mo ang iyong kaluluwa.

10At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang inyong sinasalita, na sinasabi, Ang aming pagsalangsang, at ang aming mga kasalanan ay nangasa amin, at aming pinanglulupaypayan; paano ngang kami ay mangabubuhay? 11Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka't bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel? 12At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan, Ang katuwiran ng matuwid ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa kaarawan ng kaniyang pagsalangsang; at tungkol sa kasamaan ng masama, hindi niya kabubuwalan sa araw na kaniyang hiwalayan ang kaniyang kasamaan; ni ikabubuhay man ng matuwid ang kaniyang katuwiran sa araw na siya'y magkasala. 13Pagka aking sasabihin sa matuwid na siya'y walang pagsalang mabubuhay; kung siya'y tumiwala sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, anoman sa kaniyang mga matuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa doon siya mamamatay. 14Muli, pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid; 15Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay. 16Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na aalalahanin laban sa kaniya; kaniyang ginawa ang tapat at matuwid; siya'y walang pagsalang mabubuhay.

17Gayon ma'y sinabi ng mga anak ng iyong bayan, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid: nguni't tungkol sa kanila, ay hindi matuwid ang kanilang lakad. 18Pagka iniwan ng matuwid ang kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, kaniyang ikamamatay yaon. 19At kung hiwalayan ng masama ang kaniyang kasamaan, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ikabubuhay yaon. 20Gayon ma'y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, aking hahatulan kayo bawa't isa, ayon sa kaniyang mga lakad.

21At nangyari, nang ikalabing dalawang taon ng ating pagkabihag, nang ikasangpung buwan; nang ikalimang araw ng buwan, na isa na nakatanan mula sa Jerusalem ay naparoon sa akin, na nagsasabi, Ang bayan ay nasaktan. 22Ang kamay nga ng Panginoon ay sumaakin nang kinahapunan, bago dumating ang nakatanan; at ibinuka niya ang aking bibig, hanggang sa siya'y dumating sa akin nang kinaumagahan; at ang aking bibig ay nabuka at hindi na ako pipi.

23At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 24Anak ng tao, ang nagsisitahan sa mga gibang dakong yaon ng lupain ng Israel, ay nangagsasalita, na sinasabi, Si Abraham ay iisa, at kaniyang minana ang lupain: nguni't tayo'y marami; ang lupain ay ibinigay sa ating pinakamana. 25Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo'y nagsisikain ng may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diosdiosan, at nagbububo ng dugo: at inyo bagang aariin ang lupain? 26Kayo'y nagsisitayo sa inyong tabak, kayo'y nagsisigawa ng kasuklamsuklam, at nanirang puri bawa't isa sa inyo ng asawa ng kaniyang kapuwa: at inyo bagang aariin ang lupain? 27Sabihin mong ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Buhay ako, walang pagsalang silang nangasa mga ibang dako ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa luwal na parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin, at silang nangasa mga katibayan at sa mga yungib ay mangamamatay sa salot. 28At aking gagawing sira ang lupain at katigilan; at ang kahambugan ng kaniyang lakas ay maglilikat; at ang mga bundok ng Israel ay mangasisira, na walang dadaan. 29Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang Panginoon, pagka aking ginawang sira at katigilan ang lupain, dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na kanilang nagawa.

30At tungkol sa iyo, anak ng tao, pinagsasalitaanan ka pa ng mga anak ng iyong bayan sa siping ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, at nangagsasalitaan na bawa't isa'y sa kaniyang kapatid, na sinasabi, Pumarito ka, isinasamo ko sa iyo, at dinggin mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon. 31At dumating sa iyo na wari ang bayan ay dumarating, at sila'y nagsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinidinig ang iyong mga salita, nguni't hindi nila ginagawa; sapagka't sila'y nangagsasalita ng malaking pagibig ng kanilang bibig, nguni't ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang. 32At, narito, ikaw ay parang masayang awit sa kanila na may maligayang tinig, at nakatutugtog na mabuti sa panugtog; sapagka't kanilang naririnig ang iyong mga salita, nguni't hindi nila ginagawa. 33At pagka ito'y nangyari, (narito, nangyayari,) kanila ngang malalaman na isang propeta ay napasa gitna nila.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Ezekiel 32
Top of Page
Top of Page