Tagalog: Ang Dating Biblia 1Sa iglesia nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, at si Simeon na tinatawag na Niger, at si Lucio na taga Cirene, at si Manaen na kapatid sa gatas ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.
2At nang sila'y nagsisipaglingkod sa Panginoon, at nangagaayuno, ay sinabi ng Espiritu Santo, Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.
3Nang magkagayon, nang sila'y makapagayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinayaon sila. 4Sila nga, palibhasa'y sinugo ng Espiritu Santo, ay nagsilusong sa Seleucia; at buhat doo'y nangaglayag hanggang sa Chipre. 5At nang sila'y nasasa Salamina, ay kanilang ipinangaral ang salita ng Dios sa mga sinagoga ng mga Judio: at kanila namang katulong si Juan. 6At nang kanilang matahak na ang buong pulo hanggang sa Pafos, ay nakasumpong sila ng isang manggagaway, bulaang propeta, Judio, na ang kaniyang pangalan ay Bar-Jesus; 7Na kasama ng proconsul, Sergio Paulo, lalaking matalino. Ito rin ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo, at minimithing mapakinggan ang salita ng Dios. 8Datapuwa't si Elimas na manggagaway (sapagka't ganito nga ang pakahulugan sa kaniyang pangalan) ay humadlang sa kanila, na pinagsisikapang ihiwalay sa pananampalataya ang proconsul. 9Datapuwa't si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo, ay itinitig sa kaniya ang kaniyang mga mata, 10At sinabi, Oh puspos ng lahat ng karayaan at ng lahat ng kasamaan, ikaw na anak ng diablo, ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka baga titigil ng pagpapasama sa mga daang matuwid ng Panginoon? 11At ngayon, narito, nasa iyo ang kamay ng Panginoon, at mabubulag ka, na hindi mo makikita ang araw na kaunting panahon. At pagdaka'y nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang isang kadiliman; at siya'y nagpalibot na humahanap ng sa kaniya'y aakay sa kamay. 12Nang magkagayon, pagkakita ng proconsul sa nangyari, ay nanampalataya, na nanggigilalas sa aral ng Panginoon. 13Nagsitulak nga sa Pafos si Pablo at ang kaniyang mga kasama, at sumadsad sa Perga ng Pamfilia: at humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14Datapuwa't sila, pagkatahak sa Perga, ay nagsidating sa Antioquia ng Pisidia; at sila'y nagsipasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagsiupo. 15At pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila, na sinasabi, Mga kapatid, kung mayroon kayong anomang iaaral sa bayan, ay mangagsalita kayo. 16At nagtindig si Pablo, at ang kamay ay ikinikiya na nagsabi, Mga lalaking taga Israel, at kayong nangatatakot sa Dios, magsipakinig kayo. 17Hinirang ng Dios nitong bayang Israel ang ating mga magulang, at pinaunlakan ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Egipto, at sa pamamagitan ng taas at unat na kamay ay kaniyang inilabas sila roon. 18At nang panahong halos apat na pung taon, ay kaniyang binata ang mga kaugalian nila sa ilang. 19At nang maiwasak na niya ang pitong bansa sa lupaing Canaan, ay ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain na pinakamana, sa loob ng halos apat na raa't limangpung taon: 20At pagkatapos ng mga bagay na ito ay binigyan niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta. 21At pagkatapos ay nagsihingi sila ng hari: at ibinigay ng Dios sa kanila si Saul na anak ni Kis na isang lalake sa angkan ni Benjamin; sa loob ng apat na pung taon. 22At nang siya'y alisin niya, ay ibinangon niya si David upang maging hari nila; na siya rin namang pinatotohanan niya at sinabi, Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko. 23Sa binhi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Dios ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas, na si Jesus; 24Noong unang ipangaral ni Juan ang bautismo ng pagsisisi sa buong bayang Israel bago siya dumating. 25At nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, ay sinabi niya, Sino baga ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Datapuwa't narito, may isang dumarating sa hulihan ko na hindi ako karapatdapat na magkalag ng mga pangyapak ng kaniyang mga paa. 26Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y nangatatakot sa Dios, sa atin ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27Sapagka't silang nangananahan sa Jerusalem at ang mga pinuno nila, dahil sa hindi nila pagkakilala sa kaniya, ni sa mga tinig ng mga propeta na sa tuwing sabbath ay binabasa, ay kanilang tinupad ang hatol sa kaniya. 28At bagaman hindi sila nakasumpong sa kaniya ng anomang kadahilanang sukat ipatay, gayon ma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin. 29At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kaniya, ay kanilang ibinaba siya sa punong kahoy, at inilagay siya sa isang libingan. 30Datapuwa't siya'y binuhay na maguli ng Dios sa mga patay: 31At siya'y nakitang maraming mga araw ng mga kasama niyang nagsiahon buhat sa Galilea hanggang sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa bayan. 32At dinadalhan namin kayo ng mabubuting balita ng pangakong ipinangako sa mga magulang, 33Na tinupad din ng Dios sa ating mga anak nang muling buhayin niya si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, Ikaw ay aking Anak, sa araw na ito ay naging anak kita. 34At tungkol sa muling binuhay niya, upang ngayon at kailan ma'y huwag nang magbalik sa kabulukan, ay nagsalita siya ng ganito, Ibibigay ko sa iyo ang banal at tunay na mga pagpapala ni David. 35Sapagka't sinabi rin naman niya sa ibang awit, Hindi mo ipagkakaloob na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 36Sapagka't si David, nang maipaglingkod na niya sa kaniyang sariling lahi ang pasiya ng Dios, ay natulog, at isinama sa kaniyang mga magulang, at nakakita ng kabulukan. 37Datapuwa't yaong binuhay na maguli ng Dios ay hindi nakakita ng kabulukan. 38Kaya maging hayag nawa sa inyo, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito'y ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan: 39At sa pamamagitan niya ang bawa't nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito'y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40Magsipagingat nga kayo, na baka magsisapit sa inyo ang sinalita ng mga propeta: 41Tingnan ninyo, mga mapagwalang-halaga, at mangapagilalas kayo, at kayo'y mangaparam: Sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga kaarawan, Isang gawang sa anomang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung saysayin sa inyo ng sinoman. 42At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod. 43Nang makaalis nga ang kapisanan sa sinagoga, marami sa mga Judio at nangaging-Judiong masisipag sa kabanalan ay nagsisunod kay Pablo at kay Bernabe; na, sa pagsasalita sa kanila, ay sila'y hinimok na magsipanatili sa biyaya ng Dios. 44At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios. 45Datapuwa't nang makita ng mga Judio ang mga karamihan, ay nangapuno ng kapanaghilian, at tinutulan ang mga bagay na sinalita ni Pablo, at nagsipamusong. 46At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil. 47Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. 48At nang marinig ito ng mga Gentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati ang salita ng Dios: at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan. 49At lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50Datapuwa't inudyukan ng mga Judio ang mga babaing masisipag sa kabanalan na may mga kalagayang mahal, at ang mga mahal na tao sa bayan, at nangagbangon ng paguusig laban kay Pablo at kay Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga hangganan. 51Datapuwa't ipinagpag nila ang alabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagsiparoon sa Iconio. 52At ang mga alagad ay nangapuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |