Pahayag 14
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo. 2At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog: at ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog ng alpa na tumutugtog ng kanilang mga alpa: 3At sila'y nangagaawitan na wari'y isang bagong awit sa harapan ng luklukan, at sa harap ng apat na nilalang na buhay at ng matatanda: at sinoman ay hindi maaaring matuto ng awit kundi ang isang daan at apat na pu't apat na libo lamang, sa makatuwid ay siyang mga binili mula sa lupa. 4Ang mga ito'y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero. 5At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis.

6At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan; 7At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.

8At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.

9At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, 10Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: 11At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. 12Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.

13At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.

14At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. 15At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na. 16At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan.

17At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas. 18At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay mga hinog na. 19At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios. 20At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Revelation 13
Top of Page
Top of Page