Tagalog: Ang Dating Biblia 1At nangyari nang ang hari ay tumahan sa kaniyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot,
2Na sinabi ng hari kay Nathan na propeta: Tingnan mo ngayon ako'y tumatahan sa isang bahay na sedro, nguni't ang kaban ng Dios ay nanahanan sa loob ng mga tabing.
3At sinabi ni Nathan sa hari, Yumaon ka, gawin mo ang lahat na nasa iyong puso; sapagka't ang Panginoon ay sumasa iyo. 4At nangyari, nang gabi ring yaon, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Nathan, na sinasabi, 5Yumaon ka at saysayin mo sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ipagtatayo mo ba ako ng isang bahay na matatahanan? 6Sapagka't hindi ako tumahan sa isang bahay mula sa araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, hanggang sa araw na ito, kundi ako'y lumakad sa tolda at sa tabernakulo. 7Sa lahat ng dako na aking nilakaran na kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan na maging pastor ng aking bayang Israel, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ipinagtayo ako ng isang bahay na sedro? 8Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayan, sa Israel: 9At ako'y suma iyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa. 10At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayan na Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y magsitahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una. 11At gaya mula sa araw na aking halalan ng mga hukom ang aking bayang Israel; at aking papagpapahingahin ka sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay isinaysay ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay. 12Pagka ang iyong mga araw ay naganap, at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong tiyan, at aking itatatag ang kaniyang kaharian. 13Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man. 14Ako'y magiging kaniyang ama, at siya'y magiging aking anak: kung siya'y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao; 15Nguni't ang aking kagandahang loob ay hindi mahihiwalay sa kaniya na gaya nang aking pagkaalis niyan kay Saul, na aking inalis sa harap mo. 16At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man. 17Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito ay gayon sinalita ni Nathan kay David. 18Nang magkagayo'y ang haring si David ay pumasok, at umupo sa harap ng Panginoon: at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking sangbahayan na ako'y iyong dinala sa ganiyang kalayo? 19At ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, Oh Panginoong Dios; nguni't ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malaong panahong darating; at ito ay ayon sa paraan ng tao, Oh Panginoong Dios! 20At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? sapagka't iyong kilala ang iyong lingkod, Oh Panginoong Dios. 21Dahil sa iyong salita, at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang iyong ipakilala sa iyong lingkod. 22Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig. 23At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayan, gaya ng Israel, na tinubos ng Dios sa kaniyang sarili na pinakabayan, at upang gawin niya sa kaniyang isang pangalan, at upang igawa kayo ng mga dakilang bagay, at ng mga kakilakilabot na mga bagay ang iyong lupain, sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos para sa iyo mula sa Egipto, mula sa mga bansa at sa kanilang mga dios? 24At iyong itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios. 25At ngayon, Oh Panginoong Dios, ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan, iyong pagtibayin nawa magpakailan man, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita. 26At dumakila ang iyong pangalan magpakailan man, sa pagsasabi: Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios sa Israel: at ang sangbahayan ng iyong lingkod na si David ay matatag sa harap mo. 27Sapagka't ikaw, Oh Panginoon ng mga hukbo, ang Dios ng Israel ay napakita ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, Aking ipagtatayo ka ng isang bahay; kaya't nasumpungan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na idalangin ang panalanging ito sa iyo. 28At ngayon, Oh Panginoong Dios, ikaw ay Dios at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod: 29Ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka't ikaw, Oh Panginoong Dios ay nagsalita: at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sangbahayan ng iyong lingkod magpakailan man. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |