Tagalog: Ang Dating Biblia 1Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit. 2Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila'y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 3Datapuwa't pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay: 4Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka. 5At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka't iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila'y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 6Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka. 7At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila. 8Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya. 9Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. 10Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. 11Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw. 12At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. 13At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa. 14Sapagka't kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan. 15Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan. 16Bukod dito, pagka kayo'y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka't kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila'y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 17Datapuwa't ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha; 18Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka. 19Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: 20Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo'y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo'y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: 21Sapagka't kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso. 22Ang ilawan ng katawan ay ang mata: kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng liwanag. 23Datapuwa't kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng kadiliman. Kaya't kung ang ilaw na sumasa iyo ay kadiliman, gaano kaya kalaki ang kadiliman! 24Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. 25Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? 26Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila? 27At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? 28At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man: 29Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. 30Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? 31Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? 32Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. 34Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |