Tagalog: Ang Dating Biblia 1Gayon man ay hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni't sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa. 2Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag. 3Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila'y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam. 4Sapagka't ang pamatok na kaniyang pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng Madian. 5Sapagka't ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy. 6Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan. 7Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo. 8Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel, 9At malalaman ng buong bayan ng Ephraim, at ng nananahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo, 10Ang mga laryo ay nangahulog, nguni't aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni't aming papalitan ng mga cedro. 11Kaya't itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit; 12Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat. 13Gayon ma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo. 14Kaya't puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo't buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw. 15Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot. 16Sapagka't silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak. 17Kaya't ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka't bawa't isa ay marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa't bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat. 18Sapagka't ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok. 19Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid. 20At isa'y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, at hindi sila mabubusog: sila'y magsisikain bawa't isa ng laman ng kaniyang sariling bisig: 21Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |