Tagalog: Ang Dating Biblia 1Ang matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan. 2Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay guminhawa ka at bumuti ang iyong katawan, na gaya ng pagginhawa ng iyong kaluluwa. 3Sapagka't ako'y totoong nagalak nang magsidating ang mga kapatid at mangagpatotoo sa iyong katotohanan, ayon sa paglakad mo sa katotohanan. 4Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan. 5Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa doon sa mga kapatid at sa mga taga ibang lupa; 6Na siyang nangagpapatotoo ng iyong pagibig sa harapan ng iglesia: na iyong gagawan ng magaling kung iyong tutulungan sila ng nararapat sa Dios, sa kanilang paglalakbay: 7Sapagka't dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang kinuhang anoman sa mga Gentil. 8Nararapat nga nating tanggaping mabuti ang mga gayon, upang tayo'y maging kasama sa paggawa sa katotohanan. 9Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa't si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap. 10Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia. 11Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios. 12Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat, at ng katotohanan: oo, kami man ay nagpapatotoo rin; at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay. 13Maraming mga bagay ang isusulat ko sana sa iyo, datapuwa't hindi ko ibig isulat sa iyo ng tinta at panulat: 14Datapuwa't inaasahan kong makita kang madali, at tayo'y magkakausap ng mukhaan. Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa pangalan. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |