1 Juan 4
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan. 2Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios: 3At ang bawa't espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanglibutan na. 4Kayo'y sa Dios, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka't lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan. 5Sila'y sa sanglibutan: kaya't tungkol sa sanglibutan ang sinasalita nila, at sila'y dinidinig ng sanglibutan. 6Tayo nga'y sa Dios: ang nakakakilala sa Dios ay dumirinig sa atin; ang hindi sa Dios ay hindi dumirinig sa atin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan, at ang espiritu ng kamalian.

7Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa't isa: sapagka't ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios. 8Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig. 9Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan. 11Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo. 12Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios: kung tayo'y nangagiibigan, ang Dios ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin: 13Dito'y nakikilala natin na tayo'y nangananahan sa kaniya at siya'y sa atin, sapagka't binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu. 14At nakita natin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan.

15Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nananahan sa kaniya, at siya'y sa Dios. 16At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya. 17Dito'y naging sakdal ang pagibig sa atin, upang tayo'y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom; sapagka't kung ano siya, ay gayon din naman tayo sa sanglibutang ito. 18Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka't ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig. 19Tayo'y nagsisiibig, sapagka't siya'y unang umibig sa atin. 20Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? 21At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 John 3
Top of Page
Top of Page