Joshua 22
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Tinawag nga ni Josue ang mga Rubenita, at ang mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases, 2At sinabi sa kanila, Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong dininig ang aking tinig sa lahat na aking iniutos sa inyo; 3Hindi ninyo iniwan ang inyong mga kapatid na malaong panahon hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang bilin na utos ng Panginoon ninyong Dios. 4At ngayo'y binigyan ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios ang inyong mga kapatid, gaya ng sinalita niya sa kanila: kaya't ngayo'y pumihit kayo at yumaon kayo sa inyong mga tolda sa lupain na inyong ari, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan. 5Ingatan lamang ninyong mainam na gawin ang utos at ang kautusan na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at lumakip sa kaniya, at maglingkod sa kaniya ng boo ninyong puso at ng boo ninyong kaluluwa. 6Gayon sila binasbasan ni Josue at pinagpaalam sila: at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.

7Ibinigay nga ni Moises sa kalahating lipi ni Manases ang mana sa Basan: nguni't ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue sa gitna ng kanilang mga kapatid sa dako rito ng Jordan na dakong kalunuran. Bukod dito'y nang papagpaalamin sila ni Josue na pauwiin sa kanilang mga tolda, ay binasbasan sila, 8At sinalita sa kanila, na sinasabi, Kayo'y bumalik na may maraming kayamanan sa inyong mga tolda, at may maraming hayop, may pilak, at may ginto, at may tanso, at may bakal, at may maraming kasuutan: magbahagi kayo sa inyong mga kapatid ng samsam sa inyong mga kaaway. 9At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagsibalik na humiwalay sa mga anak ni Israel mula sa Silo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumaroon sa lupain ng Galaad, sa lupain ng kanilang ari na kanilang inari, ayon sa utos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises.

10At nang sila'y dumating sa may lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng dambana sa tabi ng Jordan, isang malaking dambana na matatanaw. 11At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, Narito, ang mga anak ni Ruben, ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan sa may lupain ng Jordan, sa dako na nauukol sa mga anak ni Israel. 12At nang marinig ng mga anak ni Israel, ay nagpipisan sa Silo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, upang sumampa laban sa kanila na makipagdigma.

13At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Galaad, si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote; 14At kasama niya ay sangpung prinsipe, na isang prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang sa bawa't isa sa mga lipi ng Israel; at bawa't isa sa kanila'y pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang sa mga libolibo sa Israel. 15At sila'y naparoon sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Galaad, at sinalita nila sa kanila na sinasabi, 16Ganito ang sabi ng buong kapisanan ng Panginoon, Anong pagsalangsang ito na inyong ginawa laban sa Dios ng Israel, na humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon, sa inyong pagtatayo para sa inyo ng isang dambana, upang manghimagsik sa araw na ito laban sa Panginoon? 17Napakaliit ba sa ganang atin ang kasamaan ng Peor, na hindi natin nilinis hanggang sa araw na ito, bagaman dumating ang salot sa kapisanan ng Panginoon, 18Upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka't kayo'y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel. 19Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni't huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios. 20Hindi ba si Achan na anak ni Zera ay nagkasala ng pagsalangsang sa itinalagang bagay, at ang pagiinit ay nahulog sa buong kapisanan ng Israel? at ang taong yaon ay hindi namatay na magisa sa kaniyang kasamaan.

21Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pangulo ng mga libolibo sa Israel. 22Ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ay siyang nakatatalastas; at matatalastas ng Israel; kung panghihimagsik nga o kung pagsalangsang laban sa Panginoon, (huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,) 23Na kami ay nagtayo para sa amin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung paghandugan ng mga handog na susunugin o ng handog na harina, o kung paghandugan ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, siyasatin nga ng Panginoon; 24At kung hindi namin ginawang maingat ito, at inakala, na sabihin. Marahil sa panahong darating ay masasalita ng inyong mga anak, na sasabihin, Anong ipakikialam ninyo sa Panginoon, sa Dios ng Israel? 25Sapagka't ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad: kayo'y walang bahagi sa Panginoon: sa gayo'y patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagkatakot sa Panginoon.

26Kaya't aming sinabi, Maghanda tayo na magtayo para sa atin ng isang dambana, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain man: 27Kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya ng aming mga handog na susunugin at ng aming mga hain at ng aming mga handog tungkol sa kapayapaan; upang huwag masabi ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, Kayo'y walang bahagi sa Panginoon. 28Kaya't sinabi namin, Mangyayari na pagka kanilang sasabihing gayon sa amin o sa aming lahi sa panahong darating, ay aming sasabihin, Narito ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga magulang, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain: kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo. 29Malayo nawa sa amin na kami ay manghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pagtatayo ng isang dambana para sa handog na susunugin, para sa handog na harina, o para sa hain bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios na nasa harap ng kaniyang tabernakulo.

30At nang marinig ni Phinees na saserdote, at ng mga prinsipe ng kapisanan ng mga pangulo ng mga libolibo ng Israel na kasama niya, ang mga salita na sinalita ng mga anak ni Ruben, at ng mga anak ni Gad, at ng mga anak ni Manases, ay nakalugod na mabuti sa kanila. 31At sinabi ni Phinees na anak ni Eleazar na saserdote sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Manases, Sa araw na ito ay talastas namin, na ang Panginoon ay nasa gitna natin, sapagka't kayo'y hindi nagkasala ng pagsalangsang na ito laban sa Panginoon: inyo ngang iniligtas ang mga anak ni Israel sa kamay ng Panginoon.

32At si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote at ang mga prinsipe, ay nagsibalik na mula sa mga anak ni Ruben, at mula sa mga anak ni Gad, sa lupain ng Galaad, na tumungo sa lupain ng Canaan, sa mga anak ni Israel, at binigyan nilang sagot. 33At ang bagay ay nakalugod sa mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Dios at hindi na nagsalita pa ng pagsampa laban sa kanila na bumaka na gibain ang lupain na kinatatahanan ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad. 34At ang dambana ay tinawag na Ed ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: Sapagka't anila, saksi sa pagitan natin, na ang Panginoon ay Dios.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Joshua 21
Top of Page
Top of Page