Tagalog: Ang Dating Biblia 1Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi, 2Anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manambitan kayo: Sa aba ng araw na yaon! 3Sapagka't ang kaarawan ay malapit na, sa makatuwid baga'y ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na; magiging kaarawan ng pagaalapaap; panahon ng mga bansa. 4At isang tabak ay darating sa Egipto, at kahirapan ay sasa Etiopia, pagka ang mga patay ay mangabubuwal sa Egipto; at dadalhin nila ang kaniyang karamihan, at ang kaniyang mga patibayan ay mangawawasak. 5Ang Etiopia, at ang Phut, at ang Lud, at ang buong halohalong bayan, at ang Chub, at ang mga anak ng lupain na nangasa pagkakasundo, mangabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak. 6Ganito ang sabi ng Panginoon: Sila namang nagsialalay sa Egipto ay mangabubuwal; at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay mabababa: mula sa moog ng Seveneh ay mangabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak, sabi ng Panginoong Dios. 7At sila'y magiging sira sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan ay ibibilang sa mga bayan na giba. 8At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nagsulsol ng apoy sa Egipto, at lahat niyang katulong ay nangalipol. 9Sa araw na yaon ay magsisilabas ang mga sugo mula sa harap ko sa mga sasakyan upang takutin ang mga walang bahalang taga Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila gaya sa kaarawan ng Egipto; sapagka't narito, dumarating. 10Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin namang paglilikatin ang karamihan ng Egipto, sa pamamagitan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. 11Siya at ang kaniyang bayan na kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa, ay ipapasok upang gibain ang lupain; at kanilang hahawakan ang kanilang mga tabak laban sa Egipto, at pupunuin ng mga patay ang lupain. 12At aking tutuyuin ang mga ilog, at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng mga masamang tao; at aking sisirain ang lupain, at lahat na nandoon, sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: akong Panginoon ang nagsalita. 13Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin din namang sisirain ang mga diosdiosan, at aking paglilikatin ang mga larawan sa Memphis; at hindi na magkakaroon pa ng prinsipe sa lupain ng Egipto; at ako'y maglalagay ng katakutan sa lupain ng Egipto. 14At aking sisirain ang Patros, at ako'y magsisilab ng apoy sa Zoan, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa No. 15At aking ibubugso ang aking kapusukan sa Sin, na katibayan ng Egipto; at aking ihihiwalay ang karamihan ng mga taga No. 16At ako'y magsusulsol ng apoy sa Egipto: ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian, at ang No ay magigiba: at ang Memphis ay magkakaroon ng mga kaaway sa kaarawan. 17Ang mga binata sa Aven at sa Pi-beseth ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga ito ay magsisipasok sa pagkabihag. 18Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw, pagka aking inalis roon ang mga atang ng Egipto, at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay maglilikat doon: tungkol sa kaniya, ay tatakpan siya ng alapaap, at ang kaniyang mga anak na babae ay magsisipasok sa pagkabihag. 19Ganito maglalapat ako ng mga kahatulan sa Egipto; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. 20At nangyari nang ikalabing isang taon nang unang buwan, nang ikapitong araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 21Anak ng tao, aking binali ang kamay ni Faraon na hari sa Egipto; at, narito, hindi natalian, upang lapatan ng mga gamot, na lagyan ng isang tapal upang talian, upang humawak na matibay ng tabak. 22Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban kay Faraon na hari sa Egipto, at aking babaliin ang kaniyang mga bisig, ang malakas na bisig, at yaon na nabali; at aking palalagpakin ang tabak mula sa kaniyang kamay. 23At aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain. 24At aking palalakasin ang mga bisig ng hari sa Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kaniyang kamay; nguni't aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niyaon ng mga daing ng taong nasugatan ng ikamamatay. 25At aking aalalayan ang mga bisig ng hari sa Babilonia; at ang mga bisig ni Faraon ay bababa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking ilalagay ang aking tabak sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang iuunat sa lupain ng Egipto. 26At aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |