Esther 5
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Nangyari nga, nang ikatlong araw, na nagsuot si Esther ng kaniyang bihisang pagkareina, at tumayo sa pinakaloob ng bahay ng hari, sa tapat ng bahay-hari; at ang hari ay naupo sa kaniyang luklukang hari sa bahay-hari, sa tapat ng pasukan sa bahay. 2At nagkagayon, nang makita ng hari si Esther na reina na nakatayo sa looban, na siya'y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin: at inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro na nasa kaniyang kamay. Sa gayo'y lumapit si Esther, at hinipo ang dulo ng cetro. 3Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa kaniya, Anong ibig mo, reina Esther? at ano ang iyong hiling? mabibigay sa iyo kahit kalahati ng kaharian. 4At sinabi ni Esther, Kung inaakalang mabuti ng hari, pumaroon sa araw na ito ang hari at si Aman sa pigingan na aking inihanda sa kaniya.

5Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Papagmadaliin si Aman upang magawa ang gaya ng sinabi ni Esther. Sa gayo'y naparoon ang hari at si Aman sa pigingan na inihanda ni Esther. 6At sinabi ng hari kay Esther sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi? at ipagkakaloob sa iyo at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob. 7Nang magkagayo'y sumagot si Esther, at nagsabi, Ang aking hingi at ang aking hiling ay ito; 8Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking hingi, at gawin ang aking hiling, na pumaroon ang hari at si Aman sa pigingan na aking ihahanda sa kanila, at aking gagawin bukas na gaya ng sinabi ng hari.

9Nang magkagayo'y lumabas si Aman sa araw na yaon na galak at may masayang puso: nguni't nang makita ni Aman si Mardocheo sa pintuang-daan ng hari, na hindi siya tumayo o kumilos man sa kaniya, siya'y napuno ng pagkapoot laban kay Mardocheo. 10Gayon may nagpigil si Aman sa kaniyang sarili, at umuwi sa bahay; at siya'y nagsugo at tinipon ang kaniyang mga kaibigan at si Zeres na kaniyang asawa. 11At isinaysay ni Aman sa kanila ang kaluwalhatian ng kaniyang mga kayamanan, at ang karamihan ng kaniyang mga anak, at lahat ng bagay na ipinagkaloob ng hari sa kaniya, at kung paanong siya'y nataas ng higit kay sa mga prinsipe at mga lingkod ng hari. 12Sinabi ni Aman, bukod dito: Oo, si Esther na reina ay hindi nagpasok ng sinoman na kasama ng hari sa pigingan na kaniyang inihanda kundi ako lamang; at kinabukasan naman ay inaanyayahan niya ako na kasama ng hari. 13Gayon ma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita si Mardocheo na Judio na nakaupo sa pintuang-daan ng hari. 14Nang magkagayo'y sinabi ni Zeres na kaniyang asawa at ng lahat niyang kaibigan sa kaniya: Magpagawa ka ng isang bibitayan na may limang pung siko ang taas, at sa kinaumagahan ay salitain mo sa hari na bitayin doon si Mardocheo: kung magkagayo'y yumaon kang masaya na kasama ng hari sa pigingan. At ang bagay ay nakalugod kay Aman; at kaniyang ipinagawa ang bibitayan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Esther 4
Top of Page
Top of Page