1 Chronicles 20
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At nangyari sa panahon ng pagpihit ng taon, sa panahong ang mga hari ay nagsisilabas sa pakikipagbaka, na pinatnubayan ni Joab ang hukbo, at sinira ang lupain ng mga anak ni Ammon, at naparoon at kinubkob ang Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem. At sinaktan ni Joab ang Rabba, at sinira. 2At kinuha ni David ang putong ng kanilang hari sa ibabaw ng kaniyang ulo, at nasumpungang may timbang na isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato roon: at naputong sa ulo ni David: at kaniyang inilabas ang samsam sa bayan, na totoong marami. 3At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at pinutol sila ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol. At ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

4At nangyari, pagkatapos nito, na nagkaroon ng pagdidigma sa Gezer laban sa mga Filisteo: nang magkagayo'y pinatay ni Sibbecai na Husathita si Sippai, sa mga anak ng mga higante; at sila'y sumuko. 5At nagkaroon uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lahmi na kapatid ni Goliath na Getheo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi. 6At nagkaroon uli ng pagdidigma sa Gath, na doo'y may isang lalaking may malaking bulas, na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawangpu't apat, anim sa bawa't kamay at anim sa bawa't paa; at siya rin nama'y ipinanganak sa higante. 7At nang kaniyang hamunin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Sima na kapatid ni David. 8Ang mga ito ang ipinanganak sa higante sa Gath, at sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at sa pamamagitan ng kamay ng mga lingkod niya.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 Chronicles 19
Top of Page
Top of Page